Dagupan City – Nagbigay ng mahigit 1,100 na mga binhi para sa mga magsasaka ng Mangaldan ang lokal na pamahalaan kahapon araw ng Lunes, Nobyembre 17, 2025, bilang bahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng Super Typhoon Uwan.
Pinangunahan ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno ang pamamahagi ng 580 hybrid rice seeds mula sa Department of Agriculture-Regional Field Office 1 at 600 certified seeds mula sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice), na itinakda para sa dry cropping season.
Binigyang-pansin ng aktibidad ang mga magsasakang hindi pa nakakatanggap ng naunang alokasyon at mga apektadong magsasaka ng bagyo.
Binanggit naman ni Mayor Bona na mahalaga ang pagtulong sa mga magsasaka, lalo na sa panahon ng krisis. Inihayag niyang patuloy ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang tiyakin ang mabilis na rehabilitasyon at makabangon agad na makabangon matapos ang pananalasa ng nagdaang bagyo.
Sa ngayon, nagsasagawa ang MAO ng monitoring sa mga sakahan ng mga benepisyaryo upang tiyakin na magagamit nang tama at epektibo ang mga binhing ipinagkaloob. Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa patuloy na suporta mula sa lokal at pambansang ahensya, na nagbigay ng pag-asa at tulong sa kanilang pagtatanim.










