DAGUPAN CITY- Pinasiguro ng San Jacinto Catholic School ang kahandaan ng buong komunidad nito matapos magsagawa ng malawakang earthquake drill sa pakikipagtulungan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Engr. Olivert L. Ambrosio, School Principal, pangunahing layunin ng aktibidad na maturuan ang mga estudyante at guro ng tamang hakbang tuwing may sakuna, kabilang na ang pag-iwas sa posibleng casualties at injuries kapag may lindol o anumang emergency.
Bunsod ng sunod-sunod na pagyanig noong mga nakaraang linggo, naglabas ng direktiba ang Schools Division Superintendent na magsagawa ng earthquake drill upang matiyak na alam ng lahat ang kanilang gagawin sakaling maulit ang insidente.
Nilinaw ng pamunuan ng paaralan na ang ganitong klase ng paghahanda ang nagiging susi upang mabawasan ang pagkalito at takot lalo na sa mga unang beses nakaranas ng pagyanig, bagay na minsan ay nagdulot ng panic hindi lamang sa mga mag-aaral kundi maging sa mga magulang na nagmamadaling kunin ang kanilang mga anak.
Nagpaabot ng pasasalamat ang pamunuan sa mga ahensiyang mabilis tumugon at nakipag-ugnayan, kabilang ang BFP, PNP, MDRRMO, at Rural Health Unit, na agad na nagpaunlak sa imbitasyon upang ituro mismo ang tamang protocols at bigyang-linaw ang mga dapat gawin sa panahon ng sakuna.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at koordinasyon, nananatiling layunin ng paaralan na maging handa at ligtas ang buong komunidad nito mula sa anumang banta ng kalamidad.
Samantala, ipinahayag naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Jacinto ang kahalagahan ng patuloy na pagsasagawa ng earthquake drill matapos silang maimbitahan ng San Jacinto Catholic School upang magsupervise at mag-assess sa isinagawang demonstration ng paaralan.
Ayon kay FINSP Armando Ramos, Municipal Fire Marshal ng BFP San Jacinto, napakahalaga ng ganitong aktibidad lalo na para sa mga estudyante upang maihanda sila sa mga posibleng emergency gaya ng lindol, kabilang na ang matagal nang pinaghahandaang senaryong tinatawag na “Big One.”
Layunin ng pagsasanay na matiyak ang kahandaan ng mga mag-aaral at guro, lalo na sa harap ng mga balita at pangyayaring nagdudulot ng pangamba sa maraming komunidad, kung saan hindi lamang buhay ang maaaring mawala kundi maging mga ari-arian.
Sa kanilang assessment, nakita ng BFP na handa ang mga estudyante at guro dahil tama nilang naisagawa ang mga pangunahing hakbang tulad ng duck, cover, and hold.
Gayunpaman, binigyang-diin na hindi dapat limitado ang pagsasagawa ng drill at mainam na ito ay regular na naipapraktis upang maging mas natural ang pagresponde ng bawat isa sa oras ng tunay na emerhensiya.
Pinuri rin ng BFP ang inisyatiba ng San Jacinto Catholic School na maagang magsagawa ng ganitong drill, na aniya ay una nang ginagawa ng paaralan kahit noong nakaraang taon.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang isinagawang earthquake drill sa San Jacinto Catholic School sa tulong ng BFP San Jacinto at iba pang katuwang na ahensya.
Mula sa pagpapaliwanag ng pamunuan ng paaralan hanggang sa teknikal na pagsusuri ng BFP, malinaw na ang layunin ng aktibidad ay mapalakas ang kultura ng kahandaan sa gitna ng patuloy na banta ng sakuna.










