DAGUPAN CITY- Maliit lamang ang itinaas ng budget na matatanggap ng sektor ng edukasyon para sa susunod na taon 2026, matapos ipahayag ng Department of Budget and Management (DBM) ang record-high P1.28 Trillion approved budget, ayon ito sa Alliance of Concerned Teachers-Philippines.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kat Ruby Bernardo, National Chairperson ng naturang grupo, kung tutuusin ay bahagyang paglaki lamang ang porsyento ng nasabing budget batay sa Gross Domestic Product (GDP).

Gayunpaman, bagaman numero lamang ito, mas mahalaga pa rin ang mga items na paglalaanan ng nasabing budget.

--Ads--

Giit ni Bernardo, hindi bababa sa 6%, batay sa tala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ang kailangang pagtaas upang matugunan ang malaking back logs sa sistema ng edukasyon, partikular na sa kulang-kulang na silid aralan.

Bukod pa riyan, kapos din ang sinasahod ng mga kaguruan at kanilang ipinapanwagan ang P50,000 entry level salary.

Sa kasalukuyang sahod, hindi ito maituturing na nakabubuhay habang tambak naman ang kanilang trabaho.

Abonado pa ang mga kaguruan sa mga learning materials dahil maging ito ay kulang-kulang din.

Sinabi pa ni Bernardo ang kakulangan sa bilang ng mga guro sa bansa kaya nauuwi sa karagdagang workloads para sa kanila ang pagpapatupad ng Aral Program.

Giit niya, lalo pang binabarat ang kanilang sektor ngayong malawakan na ang kurapsyon sa bansa.

Kaya sa darating na November 28 ay ikakasa ang kanilang National Coordinated Sit down Strike kung saan buong araw silang mauupo sa kanilang klase upang ituro sa mga mag-aaral ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang sektor.

Pansamantala man nilang ititigil ang pagturo sa iba pang aralin subalit, hindi aniya ito nangangahulugang pag-abandona sa kanilang responsibilidad.