Video na inilabas ni Zaldy Co kaugnay ng umano’y iregularidad sa pamahalaan, walang bigat at hindi maituturing na ebidensya – Political Analyst

1

Dagupan City – Binigyang-diin ng political analys na walang bigat at hindi maituturing na ebidensya ang video na inilabas ng dating kongresista na si Zaldy Co kaugnay ng umano’y iregularidad sa pamahalaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst kung tunay kasing seryoso si Co sa kanyang mga akusasyon, dapat ay gawin niya ito under oath at on the record upang magkaroon ng kabuluhan at maging daan sa pag-usig sa mga dapat managot.

Sa kasalukuyan, aniya, hindi nakatutulong sa Ombudsman ang naturang video dahil hindi ito maituturing na opisyal na pahayag o ebidensya.

--Ads--

Dagdag pa ni Yusingco, hindi na bago ang mga ibinunyag ni Co dahil matagal nang may hinala na sangkot umano rito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Batay na rin aniya sa proseso ng badyet, malinaw na kabilang sila sa mga may alam sa mga pinagdududahang transaksiyon.

Binigyang-diin ni Yusingco na ang sitwasyon ay may malinaw na political ramifications, kabilang na ang mas tumitinding bangayan at bardagulan sa pulitika.

Aniya, lalo pang iinit ang diskusyon dahil tiyak na ituturing ng mga tagasuporta ni Co na ebidensya ang kanyang video—bagay na hindi dapat mangyari, dahil ang kailangan ng Ombudsman ay pormal at matibay na ebidensya, hindi social media posts.

Tungkol naman sa mga panawagang pagbibitiw sa puwesto ng Pangulo at iba pang opisyal, naniniwala si Yusingco na ang tunay na solusyon ay nasa kamay ng mga botante.

Giit niya, dapat ay pumili ang taumbayan ng mga lider na hindi mula sa political dynasties upang makaiwas sa paulit-ulit na isyu ng kapangyarihan at katiwalian.