Dagupan City – Magpapatupad ng mas mahigpit na crackdown ang Dagupan City laban sa paggawa at pag-iimbak ng ilegal na paputok matapos ang pagsabog ng isang tagong imbakan sa Brgy. Tebeng na nagdulot ng pangamba sa komunidad.

Ayon kay City Mayor Belen Fernandez, matagal nang bawal sa lungsod ang anumang gawaan o imbakan ng paputok at hindi nagbibigay ng permit ang pamahalaang lokal, lalo na kung wala itong pahintulot mula sa Camp Crame.

Giit niya, buhay ng mga residente ang nakataya kaya’t kailangan ang “1000%” strict enforcement upang tuluyang mahinto ang operasyon ng mga iligal na manufacturer.

--Ads--

Hiniling din niya ang mas aktibong pakikipagtulungan ng mga barangay upang agad maireport sa PNP at sa Mayor’s Office ang anumang pinaghihinalaang aktibidad. Dagdag niya, hindi inaasahang may nakatagong imbakan sa Brgy. Tebeng kaya’t dapat magsampa ng kaso ang PNP laban sa mga responsable, at posibleng maparusahan ang mga barangay na hindi nag-uulat.

Sinabi naman ni Vice Mayor BK Kua na hindi alam ng mga residente na may nagtatago ng paputok sa kanilang lugar, kaya’t magpapatupad ang pamahalaang panglungsod na pagtibayin ang koordinasyon sa mga ahensya para sa mga ordinansang magpapabigat sa penalty.

Kabilang sa mga panukala ang paghihigpit sa pagkuha ng barangay clearance at pagpapalakas ng ugnayan sa mga barangay upang hindi na maulit ang insidente.