Dagupan City – Nagtipon ang ilang apektadong investors ng JRL Crypto Trading noong Nobyembre 8 sa San Carlos City Plaza, dala ang matinding pagkadismaya matapos hindi nabawi ang kanilang puhunan na umabot umano sa bilyong piso.
Pinayagan ng City Government ang pagtitipon matapos aprubahan ang permit na inirepresenta ng grupo ng mga investors.
May 13, nang salakayin ng PNP Anti-Cybercrime Group ang JRL dahil sa umano’y ilegal Crypto investment scheme.
Isa si Sailor sa mga nawalan ng puhunan sa JRL Crypto Trading. Nagsimula siyang maglagak ng aabot sa ₱100,000 noong Marso, umaasang lalaki ang kanyang ipon tulad ng ipinangakong buwanang kita.
Ayon sa kanya, higit niyang inaalala ang kapakanan ng mga kasamang matagal nang umaasa na mababawi ang kanilang pera, at mahalagang mauna silang matulungan lalo na ang labis na naapektuhan ng pagkakasangkot sa investment scheme.
Nagpasalamat naman siya sa presensya ng alkalde sa naganap na pagtitipon bilang pagpapakita ng suporta sa panawagan ng grupo para sa patas at malinaw na pag-usad ng imbestigasyon.
Nagpahayag naman ng buong suporta si City Mayor Julier “Ayoy” Resuello sa mga nawalan ng puhunan sa JRL Crypto Trading
Aniya, handa siyang tumulong upang maituloy ang mga legal na hakbang laban kay Joshua Layacan sabay nanindigang sasamahan niya ang mga biktima mula sa pagbuo ng kaso hanggang sa mga kinakailangang proseso sa piskalya.
Binigyang-diin niya na hindi umano niya napabayaan ang kanyang mga kababayan at iginiit na ang tanging hangarin niya ay matiyak na may kahinatnan ang panawagan ng mga nalugi.
Nag-ugat ang reklamo ng humigit-kumulang 10,000 investors mula San Carlos at karatig-lugar matapos hindi na nila mabawi ang kanilang pera nang salakayin ng PNP Anti-Cybercrime Group ang JRL noong Mayo 13 dahil sa umano’y ilegal na investment scheme.
Umabot umano sa ₱2 bilyon ang hawak ni Layacan na hindi na naibalik, kahit pa nag-alok ang JRL ng 10% buwanang tubo mula sa minimum na ₱30,000 investment simula pa noong 2023.
Marami ang sumali dahil pinayagan ng City Hall ang negosyo, dahilan upang tumaas ang kumpiyansa ng publiko.
Sa kabila ng mga naunang papuri kay Layacan bilang negosyante, tiniyak ng alkalde na ang pangunahing prayoridad niya ngayon ay ang kapakanan ng mga nawalan ng puhunan at ang pag-usad ng imbestigasyon.










