Dagupan City – Nagsagawa ng post-disaster assessment ang lokal na pamahalaan ng Asingan, sa pangunguna ni Mayor Carlos Lopez Jr., matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan noong nakaraang linggo.

Isinagawa ang pagpupulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang masuri ang lawak ng pinsala at ang naging tugon ng pamahalaan sa kalamidad.

Layunin nito na matukoy ang mga agarang hakbang para sa rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.

--Ads--

Sa pagpupulong, nagbigay ng ulat ang mga Punong Barangay tungkol sa sitwasyon sa kanilang mga lugar, partikular sa sektor ng agrikultura, kabilang ang mga pananim na gulay, palay, mais, at mga alagang hayop.

Ayon sa LGU, mahalaga ang assessment na ito upang maging batayan sa pagbuo ng plano para sa agarang tulong at pangmatagalang rehabilitasyon.

Tiniyak ni Mayor Lopez Jr. na handa ang Asingan na tumulong sa mga nasalanta at patuloy na tututok sa kaligtasan ng bawat isa.