DAGUPAN CITY- Nakakolekta ang Bombo Radyo at Star FM Dagupan, katuwang ang Philippine Red Cross at Bombo Radyo Philippines Foundation Incorporated, ng pambihirang blood type na Type AB mula sa ilang blood donors sa isinagawang Dugong Bombo 2025.

Ayon kay Rex Vincent Escaño, OIC at Chapter Administrator ng Philippine Red Cross Pangasinan Chapter, bihira ang Type AB, kaya malaking bagay ang bawat donasyon.

Sa tagal nito sa serbisyo ay masasabi niyang rare talaga ang Type AB kaya naman, malaking bagay kapag may nakolekta kahit 3 o 5 sa isang araw na bloodletting event.

--Ads--

Karamihan sa mga nakolektang dugo ay Type O kung saan dagdag pa ni Escaño na nakadepende sa lahi ang pagkakaroon ng Type AB.

Nagpasalamat siya sa mga nagbahagi ng kanilang bihirang dugo, dahil malaki ang maitutulong nito sa mga pasyenteng nangangailangan.

Samantala, kabilang sa mga nag-donate ng AB na dugo ay si Cadet Maj. Christian Anthony Roldan, 21 anyos at first time blood donor, at si Sunshine Tamayo, na pangalawang beses nang nag-donate.

Malaking karangalan aniya na maibahagi ang kanilang rare blood type upang makatulong sa mga nangangailangan.

Aware umano sila na bihira ang kanilang dugo kaya naisipan nilang mag-donate.

Ayon kay Roldan, nagtangka na siyang mag-donate noong 2023 ngunit hindi siya nakapasa dahil sa puyat.

Kaya naman, tuwang-tuwa siya nang makapasa ngayon dahil naging magaan ang kanyang pakiramdam at nais niyang makapagsagip ng buhay.

Hinikayat naman ni Tamayo ang iba na makiisa sa mga ganitong kaganapan upang makapagligtas ng buhay, lalo na ang mga nangangailangan ng dugo.

Sa kakatapos na Dugong Bombo 2025: A Little Pain, A Life To Gain, nakakolekta ang istasyon ng aabot sa 95 bags ng dugo o may katumbas na 42,750 cc mula sa halos 142 indibidwal na sumubok na mag-donate. Ginanap ito sa Nepo Mall, Arellano St.

Dinaluhan ito ng mga estudyante mula sa Reserve Officer Training Corps, mga civic organization, pulis, sundalo, at iba pang boluntaryo.

Ang Dugong Bombo ay taunang kaganapan ng Bombo Radyo Philippines sa 25 key cities sa buong bansa kung saan mayroong Bombo Radyo at Star FM station.