Kinuwestiyon ni Atty. Joseph Emmanuel Cera – constitutional lawyer ang kredibilidad ng pahayag ni dating Ako Bicol representative Zaldy Co, na idinadawit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa umano’y kickback scheme kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects na tinatalakay sa Senate hearing.

Ayon kay Cera, hindi tugma sa proseso ng pagpapatibay ng pambansang badyet ang alegasyon ni Co.

Bilang original author ng budget, hindi kailangan ng Pangulo na dumaan sa anumang “reconciliation” sa komite kung totoo man ang sinasabing plano nitong magpasok ng anomalya.

--Ads--

Dagdag pa niya, kung talagang may matibay na ebidensiya si Co, dapat itong ilabas upang mapatibay ang kanyang mga paratang.

Aniya tila kapansin-pansin ang timing ng mga akusasyon nito, lalo’t nalalapit ang isang malaking rally, na maaaring nakaaapekto sa motibasyon ng dating kongresista.

Samantala, sinabi ni Cera na may impormasyon mula sa Ombudsman na nagsasabing may sapat nang ebidensiya upang sampahan ng kaso si Co.

Kapag naisampa ang kaso, maaari nang simulan ang proseso para kanselahin ang kanyang pasaporte.

Inasahan naman nito na sakaling masampahan na ng kaso si Co sa bansa, mapipilitan itong umuwi upang harapin ang proseso.