Naglabas ng karagdagang pahayag si Dating DPWH Usec Roberto Bernardo hinggil sa umano’y ugnayan at transaksyon niya kay Department of Education (DepEd) Undersecretary Trygve Olaivar, na aniya’y nagsimula pa noong 2010 at tumagal hanggang sa panahon ng budget preparations sa Senado.
Sa kaniyang supplemental affidavit, sinabi ni Bernardo na nakilala niya si Usec. Olaivar noong staff pa ito ni Senator Bong Revilla at kalaunan ay lumipat sa opisina nina dating Senator Edgardo Angara at Senator Sonny Angara.
Dahil sa dalas ng pagharap ni Olaivar sa deliberasyon ng budget, nagkaroon umano sila ng maraming interaksiyon.
Ayon kay Bernardo, mas naging madalas ang kanilang komunikasyon nang maging chairman ng Senate Finance Committee si Angara.
Iginiit din niya na noong nakadetine sina Senator Revilla at Senator Jinggoy Estrada, regular silang nag-uusap ni Olaivar upang alamin at asikasuhin ang kalagayan ng mga senador.
Mas mabigat na paratang ang idinagdag ni Bernardo kung saan daw mula 2019 hanggang 2024, nakatanggap umano si Usec. Olaivar ng mga “deliveries” na kumakatawan sa 12% ng mga proyektong iniuugnay sa opisina ni Sen. Sonny Angara, habang pinamumunuan nito ang Senate Finance Committee.
Dagdag pa ni Bernardo, biniberipika pa niya ang impormasyon na maaari umanong nagkaroon ng karagdagang ₱12 bilyon para sa unprogrammed appropriations ng 2025.
Detalyadong isinalaysay at idinawit din nito ang ilang dating senador at kasalukuyang senador na tumanggap umano ng kickbacks sa mga proyekto ng flood control sa bansa.
Sa sinumpaang salaysay na binasa ni Bernardo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, inihayag nito na may commitment para sa tanggapan ni ni dating Senadora Grace Poe sa 2025 budget.
Ayon naman sa inilabas na statement ni dating Ako Bicol Party-List Representative Zaldy Co, iniutos umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ang pag-insert ng P100 billion sa bicameral version ng 2025 national budget.










