DAGUPAN CITY — Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng Barangay Pugaro ng Dagupan City matapos hindi labis na nasalanta at nakapagtala ng zero casualty sa kasagsagan ng Super Typhoon Uwan.
Ayon kay Brgy. Captain Nestor Victorio ng Brgy. Pugaro, malaking tulong ang kanilang maagang paghahanda at ang mga proyektong imprastruktura sa pag-iwas sa mas matinding pinsala.
Ikinuwento ni Victorio, nagbahay-bahay ang mga opisyal ng barangay upang ipaalam at magbigay babala sa mga residente dahil inaasahan na ang pagtaas ng tubig-baha.
Aniya, isa sa mga nakatulong nang malaki ay ang baywalk at seawall project para protektahan sila sa lakas ng storm surge.
Dagdag pa nito, kung wala ang mga proyekto ay posibleng mas matindi ang pinsala sa mga residente at sa kanilang barangay.
Nagpasalamat din siya kina Cong. Toff de Venecia at Congw. Gina “Manay” de Venecia sa pagsulong at humiling na ipagpapatuloy ng mga nasabing proyekto.
Sinigundahan naman ito ng isang residente na si Erica Camacho.
Aniya, nabigla sila sa taas ng tubig baha ngunit malaking tulong sa kanila ang seawall na kung wala ito, malaki ang pinsalang iniwan ng bagyong Uwan.
Ipinanawagan din niya ang pagpapatuloy ng proyektong seawall.
Tiniyak naman ni Congw. Manay Gina de Venecia na ipagpapatuloy ang sinimulang proyekto ng anak nito na si dating Cong. Christopher De Venecia na seawall para sa kaligtasan ng mga residente.
Samantala, pinangunahan din ng kongresista ang pamamahagi ng relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya sa Barangay Pugaro.










