Dagupan City – Umabot sa tinatayang 126,000 customer o 86% ng kabuuang bilang ng DECORP user ang naapektuhan ng power outage matapos ang pinsalang dulot ng bagyong uwan.

Ayon kay Jamaica Ferrer Bautista, Customer Relations Officer ng Dagupan Electric Corporation (DECORP), patuloy aniya ang ginagawang pag-iikot ng mga lineman upang maisaayos ang mga naputol na linya at masiraang poste ng kuryente.

Isa sa mga pangunahing hamon na kanilang kinaharap ay ang hirap ng pag-aayos sa gitna ng masamang panahon, lalo na’t maraming malalaking puno ang natumba na nagdulot ng karagdagang abala sa restoration efforts.

--Ads--

Dagdag pa rito, nagkaroon din ng downtime sa internet access kaya nagkaroon ng delay sa komunikasyon ng kanilang mga tauhan.

Nilinaw naman ni Bautista ang mga kumalat na ulat online na may mga nakuryente umano sa kasagsagan ng bagyo.

Aniya, walang naitalang insidente ng pagkakuryente sa panahong iyon sa kanilang operasyon.

Gayunman, matatandaan na isang menor de edad ang nasawi matapos makuryente sa Barangay Salapingao, Dagupan City nitong Nobyembre 11, matapos umano nitong mahawakan ang isang kable ng kuryente sa loob ng kanilang bakuran.

Umaasa ang DECORP na sa tulong ng kanilang contingency plan, ay tuluyang maibabalik na sa normal ang operasyon at maibibigay muli ang maayos na serbisyo sa kanilang mga customer.