Dagupan City – Patuloy ang malawakang clearing operations sa Mangaldan matapos ang pinsalang iniwan ni Bagyong Uwan.
Sa utos ni Mangaldan Mayor Bona Fe de Vera Parayno, magkatuwang na kumikilos ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Quick Response Team upang maibalik ang kaayusan sa mga apektadong barangay.
Sa Barangay Alitaya, Buenlag, at Bantayan, pinangunahan ni LDRRMO IV Rodolfo Corla ang pagtanggal ng mga bumagsak na puno at debris na humarang sa mga kalsada at kabahayan.
Samantala, rumesponde rin ang Quick Response Team sa mga lugar ng Talogtog at Guiguilonen upang putulin at alisin ang mga natumbang puno na patuloy na nagdudulot ng peligro sa mga residente.
Ayon sa mga opisyal, prayoridad ngayon ang mga kabahayang direktang naapektuhan ng pagbagsak ng mga punongkahoy, habang sinisiguro rin na mabilis na maibalik ang daloy ng trapiko at suplay ng kuryente sa mga pangunahing kalsada.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan na magpapatuloy ang operasyon hanggang sa tuluyang maalis ang mga nakaharang at mapanumbalik ang normal na sitwasyon sa buong bayan.










