Dagupan City – Magsasagawa ang Sangguniang Bayan ng Bayambang ng isang public hearing sa darating na Sabado, Nobyembre 15, 2025, upang talakayin ang apat na mahahalagang panukalang ordinansa na may kaugnayan sa kalakalan at transportasyon sa bayan.
Kabilang sa mga tatalakaying panukala ang pagpapalakas ng digital payment system sa pamamagitan ng QR PH program, kung saan hinihikayat ang lahat ng negosyo at lokal na transportasyon na gumamit ng QR PH digital payments.
Layunin ng programang ito na itaguyod ang cashless transactions para sa mas mabilis, ligtas, at maayos na daloy ng kalakalan sa mga pamilihan at terminal sa bayan.
Isa rin sa mga paksa ng pagdinig ang panukalang pagpapagaan sa pagkuha ng business o mayor’s permit at special permits.
Inaasahang makatutulong ito sa mga maliliit na negosyante upang mas madali silang makapagsimula at makapagpatuloy ng kanilang kabuhayan, kasabay ng pagsiguro na mananatili pa ring maayos at lehitimo ang operasyon ng mga negosyo sa Bayambang.
Bukod dito, tatalakayin din ang panukalang odd-even scheme para sa mga tricycle, na layuning mabawasan ang dami ng bumibiyaheng sasakyan sa pangunahing lansangan ng bayan. Sa pamamagitan ng scheme na ito, inaasahang maibsan ang trapiko, mapababa ang polusyon, at mapataas ang kaligtasan sa kalsada para sa mga motorista at pasahero.
Panghuli, kabilang din sa agenda ang panukalang pagbibigay ng karagdagang prangkisa sa mga tricycle.
Ang hakbang na ito ay naglalayong tuluyang maalis ang mga colorum na tricycle o yaong mga bumabyahe nang walang kaukulang prangkisa.
Ayon sa konseho, ito ay bahagi ng kanilang adhikain na gawing mas organisado, ligtas, at legal ang operasyon ng mga pampasaherong tricycle sa bayan.
Ang naturang pagdinig ay may layuning tiyakin na ang mga patakarang ipatutupad aymakatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at kaayusan ng bayan.










