Naniniwala ang isang political analyst na isa lamang palabas ang anti-dynasty bill nais isulong sa House of Representatives.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, matagal nang isinusulong ang panukalang batas laban sa political dynasties noon pang 2016 ngunit hanggang ngayon ay nananatiling walang malinaw na direksyon o kongkretong resulta.

Giit ni Yusingco, tila nais lamang ipakita ng mga mambabatas sa taumbayan na may ginagawa silang hakbang laban sa pamamayani ng mga political dynasty, ngunit sa katotohanan ay wala naman umanong tunay na intensyon na ipasa ang naturang panukala.

--Ads--

Dagdag pa niya, sa loob ng halos sampung taon ng kanilang pagla-lobby, kapansin-pansin ang patuloy na paglakas ng mga political dynasty sa bansa.

Kung noon ay kakaunti lamang ang mga ito, ngayon ay tinatayang mahigit 80 porsyento na ng mga posisyon sa pamahalaan ang hawak ng mga pamilya o angkan sa politika.

Binigyang-diin ni Yusingco na kung talagang nais ng mga Pilipino ang pagbabago sa sistemang politikal, dapat itong magsimula sa pagboto.

Aniya, huwag nang iboto ang mga kandidatong kabilang sa mga political dynasty maging sa House of Representatives at sa Senado.

Mensahe niya ay huwag na nating hintayin na maipasa pa ang anti-dynasty law, dahil sa katotohanan, malabong mangyari ito kung mga miyembro rin ng mga dynasty ang mambabatas.