DAGUPAN CITY- Puspusan parin ang ginagawang paglilinis ng Waste Management Division (WMD) sa mga kalat na iniwan ng nagdaang Bagyong Uwan sa iba’t ibang bahagi ng Lungsod ng Dagupan.

Ayon kay Bernard Cabison ang Head ng WMD na umabot na sa 80 porsyento ang kanilang natapos na paglilinis.

Aniya na sila ang nagsisilbing backliner kapag may mga ganitong kalamidad dahil sila ang responsable sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang nasasakupan.

--Ads--

Nasa isang daang porsyento umano ang naidagdag na basura sa lungsod dahil sa bagyo sapagkat ang normal na basura kapag may kalamidad ay umaabot lamang sila sa 34 na truck.

Saad niya na lumabas ang mga kalat o basura pagkatapos ng naranasang baha lalo na sa central business district at may mga puno na natumba kaya marami ang naging basura.

May mga naianod din aniya na basura mula sa Material Recovery Facility ng ilang Barangay.

Pagbabahagi naman nito na medyo nahirapan sila na kunin ang mga basura sa mga nasa Island barangay dahil sa walang madaanan at transportasyon gayundin ang pagdami ng basura sa Coastal Area gaya ng One Bonuan na kinabibilangan ng Bonuan Gueset, Binloc at Boquig.

Dagdag pa ni Cabison, patuloy pa rin ang kanilang paglilinis upang masiguro na walang maiwang kalat na maaaring makaperwisyo sa mga residente.

Hinihikayat din niya ang mga residente na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang mga barangay, ugaliin na sumunod sa schedule ng paglabas ng basura para hindi ikalat ng mga alagang hayop, at dapat magsegragate ng basura.