DAGUPAN CITY-“Zero Casualty” ang naitala sa bayan ng Basista matapos humagupit ang Super Typhoon Uwan sa lalawigan ng Pangasinan kamakailan lamang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Josephine Robillos, Basista MDRRM Officer/PALDRRMO Head, ito na ang pinakamalakas na hangin na kaniyang naranasan.

At kung sinabayan pa ito ng malakas na pag-ulan, tiyak aniya, malaki itong problema para sa kanila.

--Ads--

Gayunpaman, hindi pa nila tiyak ang kabuoang bilang ng mga iniwang pinsala sa kanilang bayan, lalo na sa agrikultura.

Aniya, patuloy pa ang kanilang pagsusuri sa mga nasirang kabahayan at iba pang ari-arian.

Samantala, higit 14,000 na pamilya naman ang apektado sa nagdaang bagyo.

Napagdesisyunan ng kanilang lokal na gobyerno na pamahagian ng relief goods ang lahat ng pamilya sa kanilang bayan.

Sa kabilang dako, dalawang araw na ang inabot ng pagkawala ng kuryente sa Basista dahil sa nagsibagsakan puno na nakaapekto sa linya nito.

10% na lamang sa kanilang bayan ang walang koneksyon ng kuryente at patuloy itong tinatrabaho ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO).

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang clearing operations.

Nananawagan naman si Robillos sa mga pribadong lugar na magkusa na lamang putulin ang mga natumbang puno bilang pagsuporta na rin sa kanilang clearing operation.

Binigyan pugay naman ni Robillos ang mga responders kaniklang bayan at buong bansa.

Aniya, hindi man gaano napapansin ang kanilang ginagawang kabutihan para sa sangkatauhan subalit, laking pasasalamat niya sa mga ito.