Mga kabombo! Ano ang kaya mong gawin para sa grand prize?
Ngunit ang tanong, anong klaseng grand prize ba ang goal mong matanggap?
Nag-anunsyo kasi ang City Hall ng Paris ng isang pambihirang raffle para sa kanilang mga residente.
Pero sa halip na pera, ang premyo aba sa pagkakataong ito’y makabili ng lote at makahimlay sa isa sa mga pinakatanyag at makasaysayang sementeryo sa siyudad.
Kabilang sa mga sementeryong ito ang Père-Lachaise, kung saan nakalibing ang bokalista ng “The Doors” na si Jim Morrison at ang manunulat na si Oscar Wilde.
Ayon sa City Hall, layunin nitong ma-restore o maisaayos ang mga lumang puntod na napabayaan na, kasabay ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga residente na makakuha ng puwesto sa mga sementeryong halos isang siglo nang puno.
Ang mga sementeryo sa loob ng Paris ay halos puno na mula pa noong 1900s, at naging kumplikado ang pag-alis ng mga abandonadong puntod dahil sa mga local laws.
Kung kaya’t ngayon ang mga mananalo sa raffle ay bibigyan ng karapatang bilhin at ipaayos ang isa sa 30 abandonadong puntod sa tatlong sikat na sementeryo. Ito ay ang Père-Lachaise (kung saan nakalibing sina Jim Morrison, Oscar Wilde, at Édith Piaf); Montparnasse (dito nakalibing sina Jean-Paul Sartre at Simone de Beauvoir); at Montmartre (nakalibing sina Edgar Degas at Émile Zola)
Ang bawat puntod ay mabibili sa halagang 4,000 euros, at ang mananalo rin ang sasagot sa lahat ng gastos sa pagpapaayos nito.
Pagkatapos ma-restore, kailangan pa nilang bilhin ang lease o karapatan sa lupa. Nagsisimula ito sa 976 euros para sa 10-year contract, at umaabot sa 17,668 euros para sa perpetuity o habambuhay na karapatan.
Ang mga gustong sumali ay kailangan ding magbayad ng 125 euro na registration fee. Ang aplikasyon ay nagsimula noong November 6 hanggang December 31.










