Dagupan City – Patuloy ang panawagan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 1 sa publiko na suportahan ang adbokasiya para sa karapatan ng mga batang inabandona o tinaguriang “foundlings” sa ilalim ng Republic Act No. 11767 o Foundling Recognition Act of 2022.
Ayon kay Marinald B. Cutiyog, Social Welfare Officer III at Head ng Alternative Child Care Unit, binibigyan ng batas na ito ng karapatan ang mga foundlings na magkaroon ng birth certificate at pagkakakilanlan bilang mamamayan ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Cutiyog na kung hindi matunton ang mga magulang ng bata, ang lokal na pamahalaan kung saan siya natagpuan ang may tungkulin na magparehistro ng kanyang kapanganakan at magbigay ng pangalan. Sa kasalukuyab, may tatlong foundlings nang rehistrado sa Regional Alternative Child Care Office sa Region 1.
Aniya, ipinagbabawal na rin ang paggamit ng mga bansag gaya ng “baby boy X” at “baby girl X” upang mabigyan ng dignidad at tamang pagkakakilanlan ang mga bata.
Dagdag pa ni Cutiyog, mahalaga ang papel ng mga licensed foster parents sa pansamantalang pangangalaga sa mga batang ito habang isinasagawa ang masusing paghahanap sa kanilang mga magulang. Hinihikayat ng ahensya ang mga indibidwal o mag-asawang may kakayahan at malasakit na mag-apply bilang foster parent.
Bukas umano ito para sa lahat, kabilang ang mga single at LGBTQIA+ applicants, basta’t matugunan ang mga kwalipikasyong itinakda ng DSWD. Sa pamamagitan ng programang ito, layunin ng DSWD na mabigyan ng tahanan at pagmamahal ang bawat batang Pilipino na nangangailangan ng pamilya.










