Dagupan City – Ipinakita ng San Jacinto National High School ang husay at talento ng mga mag-aaral sa ikalawang Obratista Art Exhibit 2025 na may temang “Balitok a Tawir: The Golden Legacy of Pangasinan Creativity.”
Layunin ng naturang aktibidad na maipamalas ang malikhaing kakayahan ng mga estudyante sa larangan ng sining at mapanatili ang pamanang kultural ng Pangasinan.
Ibinahagi ni Dr. Flora Condes, Principal IV, na bago pa man ang exhibit ay dumaan na sa matinding paghahanda ang mga guro at mag-aaral bilang bahagi ng kanilang kurikulum sa asignaturang MAPEH.
Ayon sa kanya, bawat performance output ng mga mag-aaral ay iniipon ng mga guro upang maipakita tuwing pagtatapos ng bawat quarter bilang bahagi ng art exhibit. Pinuri rin niya ang dedikasyon ng mga guro at suporta ng mga magulang at stakeholder sa tagumpay ng programa.
Inilahad naman ni Norman James Cuyo, SHS Teacher III, na ang programa ay bahagi ng inisyatibo ng SDO Pangasinan na naglalayong tuklasin at ipakita ang talento at kasanayan ng mga mag-aaral sa sining.
Dagdag pa niya, kahit maliit ang paaralan, nananatiling “world-class” ang mga likhang sining ng mga estudyante mula junior at senior high school.
Bilang task leader ng exhibit, ibinahagi ni Lovely Rose Quillope ang mga hamong kanilang hinarap sa paghahanda ng programa, partikular ang pagkakaroon ng kooperasyon sa pagitan ng mga kamag-aral.
Sa kabila nito, naging matagumpay ang kanilang aktibidad. Ipinahayag niya ang kanyang paghanga sa obra na mga Manika na aniya ay sumasalamin sa temang Balitok a Tawir—ang gintong pamana at kultura ng Pangasinan.
Naging matagumpay ang Obratista Art Exhibit 2025 bilang patunay ng patuloy na pagsuporta ng pamunuan, mga guro, magulang, at mag-aaral sa pagpapayabong ng sining at kultura sa Pangasinan.










