Dagupan City – Patuloy na pinagtitibay ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) ang kanilang mga linya ng kuryente bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng mga bagyo at malalakas na hangin.

Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz – General Manager, CENPELCO, bahagi ito ng kanilang hakbang upang matukoy ang mga lugar na kailangang bawasan ang mga punong posibleng tumama sa mga linya ng kuryente, upang maiwasan ang pagkakaroon ng aberya at aksidente tuwing may masamang panahon.

Kabilang din sa mga isinasagawang aktibidad ang pagpapalit ng mga sirang poste, lalo na sa mga lugar na may banta ng pagguho ng lupa.

--Ads--

Ani Corpuz sa darating na Linggo, nakatakdang isagawa ang pagpapalit ng ilang poste sa bayan ng Malasiqui.

Kaugnay nito, magkakaroon ng pansamantalang power interruption sa nasabing lugar upang maisagawa nang ligtas ang mga kinakailangang trabaho.

Upang maiwasan naman aniya ang mga hindi inaasahang insidente, nakahanda rin ang kanilang opisina na pansamantalang patayin ang linya ng kuryente sa loob ng isa’t kalahating oras kung magkakaroon ng malalakas na hangin o matinding ulan.

Bukod dito, binabantayan din aniya nila ang mga barangay na matatagpuan sa kahabaan ng Agdo River dahil sa posibilidad ng pagbaha.

Kapag kinakailangan, isasagawa ang forced shutdown ng kanilang mga distribution lines upang maiwasan ang mga aksidente.

Hinimok din ni Corpuz ang mga residente na agad makipag-ugnayan sa kanilang mga area offices kung may mga punong malapit sa linya ng kuryente na kailangang putulin.

Sa pamamagitan ng tamang koordinasyon, masisiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at maiiwasan ang mga insidente ng pagkasira ng linya at pagkawala ng suplay ng kuryente.