Dagupan City – Nilamon ng apoy ang Pavilion 2 Warehouse ng St. Vincent Ferrer Prayer Park sa bayan ng Bayambang pasado alas-12 ng tanghali nitong Huwebes, Nobyembre 6, na nagdulot ng makapal na itim na usok at nagpagalaw sa iba’t ibang yunit ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lalawigan.
Ayon kay Acting Municipal Fire Marshal FINSP Joy Carol Palchan ng BFP Bayambang, alas-12:21 ng tanghali nang maireport ang sunog.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng BFP sakay ng dalawang fire truck, ngunit pagdating sa lugar ay malaki na ang apoy.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil madaling nagliyab ang materyales ng istruktura, kaya’t itinaas sa second alarm ang insidente dakong 12:24 ng tanghali.
Tumulong sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero mula sa mga kalapit-bayan, gayundin ang PNP at MDRRMO ng Bayambang.
Matapos ang mahigit dalawang oras na operasyon, idineklarang fire out ang sunog alas-2:42 ng hapon.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi.
Samantala, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng apoy.










