Dagupan City – Naitala ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang sunod-sunod na tagumpay sa kanilang kampanya kontra kriminalidad sa nakalipas na dalawang linggo.
Kabilang dito ang pagsugpo sa ilegal na droga, laban kontra illegal na baril at pagdakip sa mga wanted person.
Ayon kay Pcapt. Aileen Catugas, Public Information Officer ng PPO, nagbunga ang kanilang pagsisikap bago at pagkatapos ng Undas.
Noong Oktubre 24 hanggang 30, sa kampanya laban sa ilegal na droga, 8 suspek ang nadakip kung saan nakumpiska dito ang 39.10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱265,880.
Sa Manhunt Operations, 14 na indibidwal na kabilang sa listahan ng “Other Wanted Persons” ang naaresto sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan.
Sa ilegal na baril naman ay isa ang lumabag sa batas at nadakip kung saan isang hindi lisensyadong baril ang nakumpiska.
Noong Nobyembre 1 at 2 naman ay nakapag-aresto sila ng nasa 20 wanted person kabilang na ang 4 na nasa top most wanted person.
Samantala sa nakalipas na Nobyembre 5, 2 Indibidwal ang naaresto sa Urdaneta City sa magkahiwalay na operasyon na umabot sa mahigit ₱500,000 halaga ng shabu.
Sa unang Operasyon, isang 61-anyos na babaeng massage therapist ang naaresto sa Brgy. Sto. Domingo kung saan nakumpiska dito ang nasa 65 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱442,000.
Sa pangalawang operasyon, isang 58-anyos na lalaki ang naaresto sa bisa ng search warrant kung saan nakumpiska ang 13 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱88,400.
Habang sa bayan ng Balungao ay isang 23-anyos na lalaki ang dinakip sa buy-bust operation kung saan nakumpiska dito ang 1.57 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱10,676.
Sa kabuuan, nakumpiska ang 118.67 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱806,956 sa 11 indibidwal lamang habang halos 34 wanted person, 1 naaresto sa illegal na baril.
Dahil dito, nanawagan ang Pangasinan PPO sa publiko na patuloy na suportahan ang kanilang mga programa para sa isang mas ligtas na Pangasinan.










