DAGUPAN CITY- Pinag-usapan at binigyan kalinawan ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang pagsasaayos at pagpapatupad ng ordinansa para sa fare matrix ng mga tricycle drivers.
Ayon kay Con. Michael Fernandez, epektibo lamang ang isinaayos na fare matrix ng mga tricycle drivers sa loob ng Dagupan City.
Aniya, pambansang batas na ang maaaring sundan kung lalagpas na sa Dagupan area ang magiging byahe.
Sa loob ng ordinansa, pinoprotektahan nito ang tama at pantay na pagsingil, partikular na sa mga estudyante.
Aniya, tinututulan nito ang pagkakaroon ng ‘kontrata system’ dahil nagdudulot lamang ito ng pagkakalito.
Umaasa naman si Con. Joey Tamayo na magiging balanse ito at impormado ang mga mananakay upang matugunan na ang mga reklamong ‘over priced’ na pamasahe.
Aniya, hindi naman pinigilan nito ang mga mananakay na magbigay pa ng karagdagang bayad sa mga tricycle drivers kung ito naman ay kanilang pagkukusa.
Nais ni Con. Tamayo na maisatagalog ang ordinansa, maipakita sa bawat barangay, at maisabit sa mga tamang holding areas para sa kaalaman ng publiko.
Samantala, nagpakita ng pagsuporta si Con. Karlos Reyna sa naturang ordinansa.
Aniya, sampung taon na ang nakalilipas nang magkaroon ng bagong fare matrix.
Nararapat lamang na magkaroon ito ng pagbabago para mabalanse ang pagpresyo sa pamasahe.










