Dagupan City – Muling ipamamalas ng Pangasinan Maharlika Lions Club ang kanilang dedikasyon sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng pakikiisa sa programang “Dugong Bombo: A little pain a life to gain Bloodletting Program” na gaganapin sa darating na Nobyembre 15.
Ang malawakang aktibidad na ito ay taunang ginagawa ng Bombo Radyo Philippines katuwang ang Bombo Radyo Philippines Foundation Incorporated at Philippines Red Cross upang maparami ang supply ng dugo sa bansa.
Gaganapin ang aktibidad sa Nepo Mall, Arellano St., Dagupan City, at layunin nitong makalikom ng sapat na suplay ng dugo para sa mga ospital at pasyente sa Pangasinan.
Ayon kay Annie Gonzales Feria, Chairperson ng Pangasinan Region Zone 2 at President ng Pangasinan Maharlika Horizon Lions Club, matagal na silang nakikilahok sa mga bloodletting activity, ngunit ito ang kauna-unahang pagkakataon na makikiisa ang kanilang club sa Bombo Radyo at Star Fm Dagupan.
Ibinahagi niya na mayroon silang 72 active members at 30 charter club sa buong Pangasinan.
Inaasahan niya na 10 hanggang 20 miyembro ang magbibigay ng kanilang dugo sa nasabing aktibidad.
Malaki aniya ang maitutulong ng sapat na suplay ng dugo sa bansa upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente.
Inaasahan din nila ang pakikipagtulungan ng iba pang organisasyon at indibidwal upang maging matagumpay ang bloodletting program.
Paalala rin niya sa mga nais mag-donate na isaalang-alang ang mga dapat tandaan upang maging successful blood donors.









