Dagupan City – Habang papalapit ang kapasukuhan, unti-unti nang nagiging makulay ang mga tahanan, paaralan, at opisina dahil sa mga ibinebentang christmas decorations sa mga pamilihan.

Sa mga lugar gaya ng divisoria, dagsa ang mamimili na naghahanap ng murang palamuti para sa kanilang mga tahanan.

Subalit sa kabila ng kasiyahan ng paghahanda sa pasko, natuklasan ng environmental group na Ban Toxics na ilan sa mga produktong ito ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.

--Ads--

Batay sa isinagawang pagsusuri ng grupo, ilang Christmas decorations sa merkado ang naglalaman ng mga mapanganib na kemikal tulad ng lead, mercuruy, at cadmium.

Ang mga sangkap na ito ay karaniwang nakikita sa mga makukulay na palamuti na madaling makaakit sa mga bata.

Kapag nahawakan o napaglaruan ng mga bata ang mga dekorasyong ito, may posibilidad na ma-expose sila sa mga kemikal na maaaring magdulot ng pinsala sa katawan.

Mas tumitindi pa ang panganib kapag nalalantad ang mga dekorasyon sa init ng mga christmas lights dahil maaari itong maglabas ng nakalalasong singaw.

Ayon kay Tony Dizon, Campaigner Ban Toxic, maraming produkto sa pamilihan ang walang tamang label o impormasyon tungkol sa pinagmulan at kaligtasan ng mga materyales na ginamit.

Dahil dito, mahirap matukoy kung aprubado ang mga ito ng mga regulatory agency.

Kaya’t pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri sa pagbili, at piliin lamang ang mga dekorasyong may malinaw na tatak ng sertipikasyon o kaya ay gumamit ng mga alternatibong materyales na mas ligtas para sa kalusugan at kapaligiran.

Iminumungkahi ng Ban Toxics ang paggawa ng sariling dekorasyon gamit ang mga likas na materyales gaya ng papel, tela, at mga recycled na gamit.

Bukod sa ligtas at matipid, napangangalagaan din nito ang kalikasan.

Sa halip na mag-focus sa magagarbong palamuti, paaalala ng grupo na higit na mahalaga ang diwa ng pagbibigayan at pagtutulungan sa gitna ng panahon ng pasko, lalo na para sa mga kababayang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.