Mga kabombo! Isa ba kayo sa mga hirap na hirap i-achieve ang pagbabawas ng timbang?
Baka it’s your time to shine! Ito na ang perfect motivation mo para makamit ang body goal!
Paano ba naman kasi, isang gym sa Binzhou City, Shandong Province, China ang naging viral dahil sa kanilang kakaibang alok: isang second hand na Porsche Panamera sports car para sa unang member na makapagbabawas ng 50 kilograms (o 100 pounds) sa loob ng tatlong buwan.
Ang sinumang gustong sumali ay kailangang magbayad ng fee na 10,000 yuan (katumbas ng P82,000).
Ang bayad na ito ay sumasakop na sa tatlong buwan ng intensive training, lodging, at pagkain sa gym.
Ayon sa isang fitness coach ng gym, may pito hanggang walong tao na ang nakapag-sign up para sa hamon.
Bagama’t marami ang naengganyo sa pagkakataong manalo ng isang luxury sports car habang nagpapapayat, umani naman ito nang matinding batikos mula sa mga health experts.
Dahil, babala ng mga eksperto, ang alok ng gym ay naglalagay sa mga gym members sa panganib.
Ayon sa medical experts, ang pagbabawas ng 0.5 kgs kada araw ay “sobrang bilis.”
Maliban na lamang kung ikaw ay severely overweight, ang ganitong bilis ay hahantong sa pagkawala ng muscle sa halip na taba, na maaaring magdulot ng hormonal imbalance, pagkalagas ng buhok, at iba pa.
Dagdag pa ni Dr. Fu Yansong, isang gastroenterologist mula sa Shaanxi Provincial People’s Hospital, ang mabilis na pagbaba ng timbang ay maaaring maglagay ng strain sa organs at maging banta sa buhay.
Dito na ipinaliwanag ng mga doktor na ang “scientific” at ligtas na pagbabawas ng timbang ay dapat gawin nang dahan-dahan, na ang ideyal na goal ay 0.5 kg lamang per week.










