Dagupan City – Nakakuha ng karagdagang insentibo ang mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng Mapandan matapos mapasama ang munisipalidad sa mga nakatanggap ng Seal of Good Local Governance (SGLG).
Ipinabatid ni Mayor Karl Christian Vega na ang mga regular na empleyado ng munisipyo ay makatatanggap ng 50% performance bonus bilang bahagi ng pagkilalang ito.
Sa usapin ng mga job order (JO) personnel, ipinatupad noong 2022 ang arawang sahod na ₱240, na tumaas ng ₱20 kada taon. Aabot na ito sa ₱300 kada araw pagsapit ng 2026 ayon sa nakalaang pondo.
Para naman sa mga regular na empleyado, pasok na ang kanilang sahod sa itinakdang provincial rate, at may 25% na pagtaas na sumasaklaw sa lahat ng regular personnel.
Kasama rin sa mga nakinabang ang mga frontliners o mga kawani ng Rural Health Unit (RHU) na dati ay tumatanggap lamang ng 5% hazard pay.
Tumaas ito sa 10% sa mga sumunod na taon at magiging ganap na 25% hazard pay pagsapit ng 2026 bilang bahagi ng full implementation.
Ayon sa alkalde, lahat ng empleyado ng munisipyo ay benepisyaryo ng mga nasabing programa, ngunit sa kasalukuyan, ang performance bonus ay nakalaan lamang para sa mga regular na manggagawa.
Samantala, tinutukoy pa ng pamahalaang bayan ang mga paraan upang maipalawak din ang pagbibigay ng bonus sa mga job order personnel.










