DAGUPAN CITY- Ikinalungkot ng Ban Toxics ang tila hindi natutupad sa kanilang panawagan na waste management sa mga sementeryo tuwing paggunita ng undas.
Ayon kay Tony Dizon, campaigner ng nasabing grupo, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, karamihan sa kanilang mga namonitor ay mga plastic disposables at ilang food wastes, dulot na rin ng nakagawiang pag-iiwan ng pagkain sa mga puntod at pagsasalo-salo ng mga pamilya.
Aniya, isang beses lang sa isang taon ginugunita ang naturang okasyon kaya may sapat na panahon para paghandaan ito ng local officials.
Mungkahi niya na mas damihan pa ang pagkakaroon ng trash bin sa sementeryo upang mas madali itong makita ng mga bumibisita.
Mahalaga rin aniya ang pagdami ng mga mangangasiwa nito na regular na magbibigay paalala o anunsyo.
Ani Dizon, panahon na para ipursige ang ‘Zero Waste’ upang maiwasan ang peligro kung ito ay mapabayaan.
		









