Dagupan City – Patuloy na pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng San Fabian, Pangasinan ang programa sa scholarship na nagiging tulay ng maraming kabataan tungo sa pagtatapos ng kanilang pag-aaral.
Sa ilalim ng pamumuno ng lokal na konseho at ng tanggapan ni Vice Mayor Constante Agbayani, nananatiling bukas ang programa sa lahat ng residente ng bayan na may dedikasyon sa pag-aaral anumang kurso o paaralan ang kanilang pinapasukan.
Layunin nitong mabigyan ng pantay na pagkakataon ang bawat kabataang nagnanais makamit ang diploma, lalo na yaong mga hirap sa gastusin sa kolehiyo.
Ayon sa datos ng munisipyo, patuloy ang pagtanggap ng mga bagong iskolar taon-taon.
May malinaw na antas ng tulong pinansyal depende sa marka ng estudyante: ₱5,000 kada taon para sa mga may mataas na grado, ₱4,000 para sa mga nasa 85 pataas, at ₱3,000 naman para sa mga nasa 85 pababa.
Sa ganitong sistema, nagkakaroon ng inspirasyon ang mga mag-aaral na paghusayin ang kanilang performance sa paaralan.
Ibinida rin ng opisina ni Agbayani na sa ilang taon ng pagpapatupad ng programa, daan-daang kabataan na ang nakinabang dito.
Marami na sa kanila ang nakapagtapos ng kolehiyo at ngayo’y matagumpay sa kani-kanilang propesyon. Ilan ay mga lisensyadong guro, nurse, at maging mga doktor na ngayon ay nagsisilbi rin sa kanilang sariling bayan.
Bukod sa pondo ng lokal na pamahalaan, personal ding sumusuporta ang bise alkalde sa ilang mag-aaral na hindi nakapasok sa opisyal na listahan ng scholarship.
Mula mismo sa kanyang bulsa, nagbibigay siya ng tulong upang matiyak na walang kabataang mapuputol ang pag-aaral dahil lamang sa kakulangan sa pera.
Ang pagpapatuloy ng programa ay bahagi ng mga inisyatibong pang-edukasyon ng lokal na pamahalaan ng San Fabian upang mapanatili ang tuloy-tuloy na suporta sa mga mag-aaral.
Sa pagdami ng mga benepisyaryong nakapagtatapos taon-taon, nakikita ng lokal na administrasyon ang malinaw na epekto nito sa bilang ng mga residente na nakakakuha ng mas mataas na antas ng edukasyon at nagiging bahagi ng iba’t ibang propesyon sa loob at labas ng bayan.









