Dagupan City – Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang pagiging isang component city ng lalawigan ng Pangasinan upang higit pang mapaunlad ang ekonomiya at mapalawak ang mga oportunidad sa bayan.

Ayon kay Councilor Atty. Gab Macaraeg, Chairman ng Committee on Laws, Rules, and Privileges ng Sangguniang Bayan ng Lingayen, pinangunahan ni 2nd District Congressman Mark Cojuangco ang paghahain ng House Bill No. 5472 noong oktubre 12, 2025 na layuning i-convert ang bayan ng Lingayen bilang isang lungsod.

Dito na ipinaliwanag ni Macaraeg ang itinakda ng Republic Act No.11863, upang maging isang lungsod, ang isang bayan ay kailangang:

--Ads--

Magkaroon ng annual general income na hindi bababa sa ₱100 milyon sa loob ng dalawang magkasunod na taon, May lawak na hindi bababa sa 100 square kilometers, at May populasyong hindi bababa sa 150,000 katao.

Inaasahan naman na maa-access at matatalakay ito sa plenaryo.

Pinawi naman ng opisyal ang mga agam-agam ng mga residente hinggil sa pagtataas ng buwis, aniya hindi awtomatikong tataas ang buwis ng mga residente sakaling maging lungsod ang Lingayen.

Sa halip, inaasahang magdadala ito ng mas maraming mamumuhunan, mas malawak na saklaw ng serbisyo, at mas maraming benepisyo sa ekonomiya at imprastruktura.

Bukod dito, nakikita ng LGU ang hakbang na ito bilang oportunidad upang mas makilala ang Lingayen sa buong bansa, hindi lamang bilang sentro ng pamahalaan ng lalawigan, kundi bilang lungsod na mayaman sa kultura at kasaysayan, kabilang ang mga cultural heritage sites na ipinagmamalaki ng Pangasinan.