Isinagawa kahapon ang kauna-unahang pagpupulong ng Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) dito sa lalawigan.
Halos 90 presidente ng iba’t ibang asosasyon mula sa Central hanggang sa Western Pangasinan ang nagtipon upang talakayin ang mga plano para sa pagpapalago at pagpapalakas ng industriya ng bangus sa Pangasinan.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga napapanahong isyu at oportunidad sa sektor ng bangus.
Pinag-usapan din ang ilang solusyon na maaaring isagawa ng bawat bayan para sa pagtutok sa pag-aalaga ng bangus upang hindi tuluyang humina ang industriya.
Layunin nito na magkaroon ng iisang direksyon ang nasabing samahan.
Ayon kay Christopher “Aldo” Sibayan, Pangulo ng SAMAPA, layunin ng pagpupulong na magkaisa ang lahat ng asosasyon sa Pangasinan upang sama-samang itaguyod ang industriya ng bangus.
Dagdag pa niya, sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan sa bawat bayan, nagawa nilang tipunin ang ilang asosasyon para makiisa sa kaganapan.
Sinabi pa ni Sibayan na handa silang tumanggap ng tulong mula sa iba’t ibang non-government organizations, provincial government, at iba pa para sa layunin ng grupo.
Pagbabahagi naman nito na nasa maayos ang suplay ng Bangus ngayong lalawigan dahil nakikita naman nitong nakakasapat pa ang produkto ngayong undas.
Wala naman aniyang inaasahang pagtaas ng presyo ng Bangus sa susunod na araw.
Inaasahan na ang mga napagkasunduan sa pagpupulong na ito ay magiging daan para sa mas matatag at maunlad na industriya ng bangus sa Pangasinan, na makakatulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga mangingisda at negosyante sa lalawigan.










