Inilatag ng Public Order and Safety Office (POSO) Dagupan ang mga ruta at traffic scheme na ipapatupad bukas, kasabay ng paggunita ng Undas sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Ronnie Toralba, duty officer ng POSO Dagupan, ipatutupad ang ilang one-way traffic scheme sa mga pangunahing kalsada upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko. Inaasahan kasi ang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo sa lungsod.
Ang Burgos Street at Poblacion Oeste ay magiging one-way papuntang Eternal Gardens, habang sarado naman sa mga sasakyan ang Bonifacio Street sa bahagi ng Careenan at Amado Careenan.
Itinalaga rin ang parking area sa compound ng National Bureau of Investigation (NBI) sa De Venecia Road.
Tiniyak ni Toralba na may mga nakahandang emergency vehicle gaya ng fire truck, ambulansya, at mga sasakyan ng PNP upang agad makaresponde sa anumang insidente.
Patuloy din umano ang operasyon ng POSO para sa pagpapatupad ng batas-trapiko. Payo ni Toralba sa mga motorista na sumunod sa mga alituntunin sa kalsada, huwag uminit ang ulo, at magpasensya sa inaasahang pagbigat ng trapiko.
Ipatutupad ang mga nasabing traffic scheme mula bukas, Oktubre 31, hanggang Nobyembre 2.
 
		









