Isinasagawa ngayon ang proyekto ng beach restoration sa pamamagitan ng beach nourishment mula Barangay Sabangan, Binmaley, Pangasinan hanggang sa hangganan ng San Isidro at Buenlag.
Ayon kay Second District Representative Mark Cojuangco, tinatayang aabot sa apat na kilometro ang lawak ng lugar na aayusin dahil sa kinain na ng dagat ang bahagi ng dalampasigan at maging ang kalsada.
Layunin ng proyekto na maibalik ang dating anyo ng baybayin bago pa man ang taong 2004.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang maibabalik ang dating hugis ng dalampasigan at maprotektahan ang mga kalapit na lugar laban sa patuloy na pagguho at pagbaha.
Tinatayang 800,000 cubic meters ng materyales ang ilalagay sa lugar, kung saan bawat 5,900 cubic meters ay magkakaroon ng pagitan na 75 metro mula sa hangganan ng Barangay Sabangan at Barangay Pugaro ng Dagupan.
Magsisimula ang proyekto sa bahaging iyon at matatapos sa hangganan ng Buenlag at San Isidro.
Target na matapos ang proyekto bago o sa unang bahagi ng Enero.










