Isang malawakang panawagan para sa mas mabilis na imbestigasyon at pananagutan ng mga sangkot sa isyung flood control anomaly ang inilabas ng isang samahan ng mga manggagawa.
Kabilang sa nangunguna sa panawagang ito ang Federation of Free Workers sa pangunguna ni Atty. Sonny Matula.
Katuwang nila ang iba’t ibang organisasyon ng manggagawa at negosyante sa Trillion Peso March na gaganapin sa darating na Nobyembre 30, kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day.
Layon ng pagkilos na ipakita ang pagkakaisa ng mamamayan sa laban kontra korapsyon at sa panawagang ibalik sa kaban ng bayan ang mga pondong nawala dahil sa katiwalian.
Ibinahagi ni Atty. Matula ang limang pangunahing mungkahi ng kanilang grupo: ang pagsasama ng mamamayan sa mga imbestigasyon, pagbibigay ng contempt power at access to documents sa Independent Commission for Infrastructures (ICI), pagtatatag ng espesyal na hukuman para sa mga kasong may kaugnayan sa flood control scandal, mabilis na pagbawi ng nakaw na yaman sa pamamagitan ng pag-freeze ng assets, at pagpapalawak ng partisipasyon ng publiko sa pagbuo ng pambansang budget.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng political will ng pamahalaan upang mapabilis ang proseso ng imbestigasyon at maibalik sa bayan ang ninakaw na pondo.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga manggagawa na magkaisa at magtatag ng mga union upang magkaroon ng mas matibay na tinig sa mga isyung panlipunan at pang-ekonomiya.










