Naniniwala ang isang constitutional lawyer na matagal pa bago mapanagot ang mga opisyal na umano’y sangkot sa kickback scheme kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional lawyer, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, recommendatory o rekomendasyon lamang ang maaaring gawin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), habang ang mga nakalap na rekord ng Department of Justice (DOJ) ay isusumite sa Office of the Ombudsman.
Nilinaw ni Atty. Cera na walang kapangyarihan ang ICI na magsampa ng kaso dahil ang mandato nito ay mangalap lamang ng mga ebidensya na pagkatapos ay isusumite sa Ombudsman.
Dagdag pa niya, magkakaroon pa ng preliminary investigation matapos matanggap ng Ombudsman ang mga dokumento mula sa ICI at DOJ.
Bibigyan umano ng sampung (10) araw ang mga respondent upang magsumite ng kanilang counter-affidavit o sagot sa mga paratang.
Kung sakaling hindi maging sapat ang mga ebidensya sa kanilang counter-affidavit, mag-iisyu ang Ombudsman ng resolusyon, pipirmahan ang information, at isusumite ito sa Sandiganbayan. Sa puntong iyon, maaari na umanlog magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Ayon pa kay Atty. Cera, napangalanan na ang mga taong sasampahan ng kaso, kaya’t wala nang dahilan upang hindi sila ma-indict.
Matatandaan na target ni Ombudsman Boying Remulla na magsampa ng kaso sa Sandiganbayan sa Nobyembre 25 kaugnay ng mga maanomalyang flood control project.
Kabilang sa mga kasong isasampa ay malversation, bribery, at falsification na may kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto sa Naujan, Oriental Mindoro.










