DAGUPAN CITY – Tumama sa Jamaica ang hurricane Melissa na may taglay na lakas na 185 miles per hour, dahilan upang ituring itong pinakamalakas na bagyo sa bansa mula pa noong 1851.
Ayon kay Alan Tulalian, Bombo International News Correspondent in Trinidad ang Tobago, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, unang nag-landfall ang bagyo bandang alas-11 ng umaga sa Carribean Island at tinamaan nang husto ang kabiserang lungsod na Kingston, bagaman halos buong Jamaica ang naapektuhan base sa satelite images. Aniya, ito ang unang landfall ng Hurricane Melissa sa Jamaica at itinuturing din na ikatlong pinakamalakas na landfall sa Atlantic region.
Pagkatapos manalasa, bumaba ito sa Category 4 hurricane habang patungo sa Haiti at Cuba, ngunit nananatiling malakas at patuloy na nagdudulot ng pinsala.
Dagdag pa ni Tulalian, halos buong isla ay nawalan ng kuryente at maraming gusali, kabilang ang mga ospital at kabahayan, ang nawasak. Sa isang bidyo, makikita ang mga bato at bubong na tinatangay ng hangin, matinding baha, at landslide.
Sa kabila ng malawakang pinsala, walang naiulat na nasugatang Pilipino sa Jamaica. Tinatayang 200 hanggang 400 Pilipino ang kasalukyang naninirahan doon, karamihan ay nagtatrabaho sa hotel.
Bago ang landfall, ipinag-utos ng Prime Minister ng Jamaica ang sapilitang paglikas at nagdeklara ng state of disaster upang mapigilan ang mas malaking pinsala. Gayunpaman, maraming evacuation centers ang naapektuhan din ng malakas na hangin.
Panawagan naman ni Tulalian sa Department of Migrant Workers, OWWA, at Philippine industry na nasa Washington D.C., na kapag nag-declare ng state of disaster sa Carribean Island o iba pang island, ay magbigay na ng tulong ang gobyerno ng Pilipinas, upang makuha kaagad ng kababayang OFWs ang mga relief goods lalo’t halos kada-taon nang nararanasan ang matinding hurricane. via Jaira Anca










