DAGUPAN CITY – Maituturing na matagumpay ang paglagda nina U.S. President Donald Trump at Japan Prime Minister Sanae Takaichi sa isang kasunduan para sa new-generation nuclear power reactors at rare earths.
Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, tinawag na “golden age” ang ugnayan ng Estados Unidos at Japan dahil nananatiling matatag ang kanilang alyansa.
Mula nang maupo si Trump, walo na ang naging pagpupulong ng Economic Minister ng Japan sa Amerika para sa sa trade relations.
Sinabi ni Galvez na sa lahat ng nabanggit na pagpupulong, ito ang pinakamalaking kaganapan dahil aabot sa 550 bilyong dolyar ang ilalaang puhunan ng Japan sa pamamagitan ng mga nangungunang korporasyon nito.
Ito, aniya, ay malaking tulong sa ekonomiya ng U.S. dahil inaasahang magbubukas ito ng mas maraming trabaho at oportunidad sa negosyo.
Isa rin umano itong estratehiya ng Japan, kung saan imbes na mag-export sila ay magpapatayo na lamang ito ng mga kumpanya sa loob ng U.S. upang maiwasan ang mataas na taripa.
Mula nang manungkulan si Trump, marami nang negosyante ang nagpahayag ng reklamo sa kanyang tariff policy. Maraming produkto mula sa Japan—tulad ng mga sasakyan, electronics, at iba pa—ang iniluluwas patungong U.S., ngunit dahil sa mataas na taripa, nahihirapan ang maraming kumpanya na ipagpatuloy ang kanilang export operations.
Matatandaan na nagkasundo ang Japan at Estados Unidos sa kasunduan hinggil sa mga bagong henerasyon ng nuclear power reactors at mga bihirang mineral (rare earths). Hangad ng Tokyo na muling makabalik sa mga merkado ng pag-export para sa teknolohiyang nuklear nito, at kapwa nilang layuning mabawasan ang dominasyon ng China sa mga mahahalagang elektronikong sangkap.
Samantala, nakatakdang magkita sina Trump at Pangulong Xi Jinping ng China sa Huwebes sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa South Korea upang talakayin ang isang kasunduan na pansamantalang magpapatigil sa mas mataas na taripa ng U.S. at sa mga kontrol ng China sa pag-export ng rare earths.










