DAGUPAN CITY- Natuklasan umano ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang paggastos ng pinalitan nitong administrasyon ng P15 million sa mga CCTV na hindi naman ‘functional’.

Ayon sa alaklde, mahalaga ang mga ito upang mabantayan ang seguridad at kaayusan sa syudad, partikular na sa tuwing may kalamidad o trapiko.

Gayunpaman, sa unang dalawang linggo ng kaniyang pagkaupo sa pwesto ay napansin niya ang mga ito na hindi naman buong gumagana.

--Ads--

Maliban pa sa hindi ‘functional’, may mga hindi pa naka-install at substandard pa ang mga ito.

Nagpaabot na rin sila ng reklamo sa kontratista ng naturang proyekto subalit, hindi naman ito inayos at pinagalitan lamang ang kanilang tauhan.

Maliban sa CCTV, natuklasan din ang overpriced tablets na ipinadala sa ilang paaralan sa syudad.

Ayon kay Fernandez, sa pag-iimbestiga sa Dagupan City National High School ay lumalabas na nasa P27,666 ang halaga umano ng isang tablet subalit, ang original price nito ay umaabot lamang sa P10,995.

Halos hindi rin daw ito magamit ng paaralan dahil sa kulang-kulang ang kanilang natanggap at hindi pa ‘functional’.

Habang sa Bonuan Boquig High School, umaabot sa 176 tablets ang hindi ginagamit dahil sa nawawalang 24 units.

Ani Fernandez, may natanggap sila na isang blotter na ibinenta umano ang isang unit subalit hindi nila ito pinaniniwalaan dahil marami ang bilang ng mga nawawala.