Sa pagdiriwang ng Undas ngayong taon, binigyang-diin ni Ochie Tolentino, isang Zero Waste Campaigner mula sa Ecowaste Coalition, ang kahalagahan ng tamang pangangalaga sa kapaligiran at kaligtasan ng bata sa paggamit ng pintura, pagkain, at dekorasyon sa sementeryo.
Ayon kay Tolentino, karaniwang nagtatambak lamang ng basura ang ilang pamilya matapos ang paglilinis ng puntod, na nagiging sanhi ng mas malaking problema sa solid waste kapag nagsamasama ang mga ito.
Dagdag niya, mahalagang huwag iiwan ang mga basura at tiyaking maayos ang pagdala ng pagkain gamit ang reusable na lalagyan.
Isa sa kanyang binigyang-pansin ay ang paggamit ng pintura na walang lead content, lalo na sa mga bata.
Aniya, kapag may lead content ang pintura, naapektuhan nito ang talino at utak ng bata.
Kalimitan, ang lead ay naitatago sa buto at maaaring hindi agad maramdaman, ngunit makikita ng mga magulang at guro ang epekto sa paglipas ng panahon.
Hinimok din niya ang publiko na patuloy na suportahan ang information at education campaign tungkol sa ligtas na paggamit ng mga materyales sa Undas, partikular sa mga paaralan. Bukod sa pagpili ng lead-free na pintura, payo rin niya na ang mga kandila ay walang amoy at ang mga bulaklak ay buhay upang maaari itong alagaan at magamit muli sa susunod na taon.
Sa pagkain naman, ipinapayo ni Tolentino na magdala lamang ng sapat at ilagay ito sa reusable na lalagyan upang mabawasan ang basura.
Sa ganitong paraan, maipagdiriwang ang Undas nang ligtas, malinis, at responsable sa kapaligiran.










