DAGUPAN CITY Patuloy na nararanasan sa Jamaica ang hagupit ng Bagyong Melissa na may lakas na humigit-kumulag 175 milya kada oras, na itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa kasaysayan ng bansa.

Ayon kay Alan Tulalian, Bombo International News Correspondent in Trinidad and Tobago, nagdeklrada na ng state of emergency and pamahalaan ng Jamaica ilang oras bago tumama ang bagyo.

Nagsagawa rin ng mandatory evacuation sa mga mababang lugar at namahagi ng mga relief goods upang paghandaan ang inaasahang pinsala.

--Ads--

Ayon sa ulat, may mahigit 200 Pilipino na naninirahan doon.

Ayon sa kanilang tala, maaaring mas marami pa dahil hindi lahat ay aktibong miyembro ng samahang Filipino community.

Sa kabila ng masusing paghahanda ng pamahalaan, itinuturing pa rin itong isang matinding natural na kalamidad na hindi madaling mapigilan.

Napaulat na mayroon nang nasawi bago pa man tuluyang tumama ang bagyo, bagaman hindi pa tiyak ang kabuuang bilang. Ilang lugar din ang nawalan ng suplay ng kuryente at komunikasyon.

Samantala, sa gitna ng kalamidad ay nananatiling mataas ang tensyon sa rehiyon dahil sa joint military exercise ng Estados Unidos at Trinidad and Tobago defense force.

Nagdulot ito ng pangamba sa ilan dahil sa kalapitan ng bansa sa Venezuela, ngunit may mga naniniwala ring ito ay hakbang para sa mas matibay na seguridad.

Sa kabila ng mga hamon, ipinagpapatuloy pa ri ng mga Pilipino sa Trinidad at Tobago at iba pang bahagi ng Caribbean ang paggunita sa Undas.

Bagama’t hindi ito opisyal na holiday, may ilan pa ring pamilya at simbahan na nag-aalay ng dasal at kandila bilang pag-alala sa mga pumanaw.

Sa kasalukuyan, nananatiling ligtas ang mga Pilipino sa Jamaia at patuloy ang pakikipag-ugayan sa embahada ng Pilipinas upang masubaybayan ang kanilang kalagayan habang humihina ang bagyo.