Dagupan City – Lubos na pinuri ng Liga ng mga Munisipalidad ng Pilipinas (LMP)-Pangasinan Chapter ang naging pamumuno ni PCol. Arbel Mercullo sa kanyang unang 100 araw bilang OIC Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) kahapon.

Matatandaan na kahapon ay dumalo ang LMP-Pangasinan sa pamumuno ni Manaoag Mayor Jeremy Rosario bilang kinatawan ng mga alkalde sa lalawigan na isa sa mga stakeholders ng Pangasinan PPO.

Sa isang pahayag, binigyang-diin nito ang mga positibong pagbabago at inisyatibo na naisakatuparan sa ilalim ng pamamahala ni PCol. Mercullo.

--Ads--

Suportado anila ang kanyang pagpapakita ng dedikasyon bilang lider kung kaya’t nais nilang maging regular na ito na maging Provincial Director.

Nakitaan ito ng maayos na pamumuno lalo na sa mga hakbangin sa peace and security sa bawat lokal na pamahalaan.

Kasabay ng pagpuri, ipinaabot din ng LMP-Pangasinan ang kanilang apela para sa karagdagang tauhan ng kapulisan sa bayan ng Manaoag bilang kilalang Faith Tourist Destination sa buong Region 1 at Blessing Capital ng bansa.

Nais nilang itaas ito sa Category A para mapalakas ang seguridad lalo na sa simbahan na dinarayo ng mga turista at deboto.

Ayon kay Mayor Rosario, mahalaga na magkaroon ng dagdag na bilang ng kapulisan, lalo na ang mga tourist police, upang masiguro ang kaligtasan ng mga bisita at mamamayan.

Batay sa tala ng Department of Tourism, umaabot sa 60,000 turista bawat linggo at 8 milyon kada taon ang bumibisita sa bayan.

Umaasa ang alkalde na maisasakatuparan ito sa susunod na panahon upang patuloy na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.

Samantala, patuloy na ang paghahanda nila sa Centennial Canonical Coronation na magaganap sa April 22, 2026.

Ipinahayag din ni Mayor Rosario ang kanyang suporta sa panukala ng Provincial Board na gawing holiday ang kaganapan dahil ito ay malaking pagdiriwang sa Manaoag at sa buong probinsya.