DAGUPAN CITY- Nagpakitang-gilas ang pambato ng Pangasinan sa unang dalawang araw ng Batang Pinoy 2025 sa larong Beach Volleyball matapos makapagtala ng sunod-sunod na panalo laban sa iba’t ibang lalawigan.
Ayon kay Coach Eusebio Solis ng Umingan, matagumpay na tinalo ng kanyang koponan ang Sultan Kudarat sa iskor na 2-0 at sinundan ito ng panalo kontra Rizal Province, 2-0 din.
Nakatakda namang harapin ng Pangasinan ang Tarlac Province, at sa susunod na araw ay makikipagtuos sa Sarangani at Northern Mindanao.
Ayon kay Solis, nakapasok ang koponan sa Batang Pinoy matapos magwagi sa R1AA at makatanggap ng medalya sa Palarong Pambansa, dahilan upang hindi na dumaan sa elimination round ng beach volleyball.
Mula sa dating dalawang manlalaro, tatlo na ngayon ang bumubuo ng koponan alinsunod sa bagong format ng torneo.
Dagdag niya, maayos umano ang naging pagtanggap at akomodasyon sa mga manlalaro, bagay na nagbigay ng dagdag inspirasyon sa kanilang laban.
Kilala ang Umingan sa patuloy na tagumpay sa volleyball, mula sa pagiging indoor champion noong 2013, Palawan beach volleyball champion noong 2019, hanggang sa pag-uwi ng bronze medal sa national finals sa Sta. Rosa, Laguna noong 2023.
Tiwala si Solis at ang kanyang koponan na kaya nilang makipagsabayan sa 43 malalakas na koponan mula sa buong bansa.
Bagama’t matitindi ang kalaban gaya ng Mandaue City, Bohol, General Santos, at NCR Caloocan, hangad ng Pangasinan na makapasok man lang sa top 8 bilang patunay ng kanilang patuloy na pag-angat sa larangan ng volleyball.










