Malaki ang magiging epekto ng pagsuspinde ni US President Donald Trump sa lahat ng negosasyon sa kalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at Canada matapos lumabas ang isang umano’y “pekeng” advertisement na ipinalalabas sa Amerika.
Ang naturang anunsiyo ay nagtatampok kay dating Pangulong Ronald Reagan na tila nagsasalita laban sa mga ipinatutupad na taripa ni Trump.
Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa U.S.A., maayos umano ang lahat ng pag-uusap sa kalakalan ng dalawang bansa hanggang sa lumabas ang kontrobersiyal na advertisement.
Bagaman agad na binawi ang naturang ad sa Toronto, ipinagpatuloy pa rin ang pagpapalabas nito sa ilang bahagi ng Estados Unidos.
Dahil dito, napikon umano si Pangulong Trump at agad na ipinahinto ang lahat ng kasalukuyang negosasyon sa Canada.
Lumabas sa pagsusuri na ang advertisement ay splice o pinagtagpi-tagping mga lumang pahayag ni Reagan, ngunit hindi ito nakaayos sa tamang kronolohikal na pagkakasunod.
Dahil dito, nagmukhang labag si Reagan sa mga polisiya ng taripa, dahilan upang mas lalong uminit ang reaksyon ni Trump.
Saad ni Pascual, malaki ang magiging epekto ng hakbang na ito sa ekonomiya ng parehong bansa.
Maraming mga negosyo ang posibleng hindi makapagsagawa ng operasyon dahil sa pagkaantala ng kalakalan.
Partikular na maaapektuhan ang mga farmers at mga industriya ng agrikultura dahil umaasa ang dalawang bansa sa pag-aangkat at pagluwas ng mga produktong pang-agrikultura.
Sa kabila ng pansamantalang pagsuspinde ng negosasyon, umaasa naman ito na muling magpapatuloy ang pag-uusap sa hinaharap.
Aniya hindi nawawalang posibleng mag-usap sina Pangulong Trump at Canadian Prime Minister sa ASEAN Summit upang ayusin ang gusot at pag-usapan muli ang direksyon ng kanilang ugnayang pangkalakalan.










