Dagupan City – Binigyang-diin ni Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco ang kahalagahan ng paggamit ng nuclear energy bilang susi upang mapanatili ang yaman ng bansa at mapababa ang presyo ng kuryente sa Pilipinas.
Ayon kay Cojuangco, ito ang nakikitang daan upang makamit ng bansa ang abot-kayang singil sa kuryente at masiguro ang pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.
Dito na niya iginiit na kung tinanggap lamang ng Pilipinas ang paggamit ng nuclear power noong 1986, maaaring mas malaki at mas maunlad na sana ang ekonomiya ng bansa ngayon.
Paliwanag niya, kung bawat taon kasi sa nakalipas na 39 na taon ay nadagdagan ng kahit 1% ng GDP dahil sa mas murang kuryente, dapat ay 39% na mas malaki na ngayon ang ekonomiya ng Pilipinas.
Dahil dito, milyon-milyong trabaho at oportunidad umano ang nawala sa mga Pilipino.
Dagdag pa ni Cojuangco, ang paggamit ng nuclear energy ay magiging daan upang makalikha ng maraming trabaho at makapagbukas ng mas maraming oportunidad sa bansa.
Ikinumpara rin niya ang Pilipinas sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya gaya ng Vietnam, na ngayon ay may kapasidad na umabot sa 68,000 megawatts sa kuryente, samantalang ang Pilipinas ay nasa 22,000 megawatts lamang.
Binanggit din ni Cojuangco na dating mas maunlad ang Pilipinas kaysa sa Vietnam, ngunit dahil sa pagtanggi ng bansa sa paggamit ng nuclear energy, ay nalagpasan na ang Pilipinas ng naturang bansa sa aspeto ng enerhiya at pag-unlad.
Naniniwala si Cojuangco na panahon na upang muling isaalang-alang ng Pilipinas ang paggamit ng nuclear power bilang pangunahing solusyon sa mataas na singil sa kuryente at mabagal na paglago ng ekonomiya.










