Pinaigting ng City Health Office – Environmental Health and Sanitation Division sa pamumuno ni Mayor Belen T. Fernandez ang kampanya laban sa dengue sa Barangay Pantal, Dagupan City.

‎Kabilang sa isinagawang operasyon ang masusing inspeksyon ng mga Sanitation Inspector upang matiyak ang pagpapatupad ng “5’s Rule” paghahanap at pagsira sa mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, paglilinis ng paligid, at pagpapanatili ng kalinisan bago isagawa ang misting operation.

‎Unang tinutukan ang Sitio Riverside, Arellano kung saan umabot sa 231 kabahayan ang sinuyod ng mga tauhan ng City Health Office. Layunin nito na mapababa ang kaso ng dengue sa mga paaralan at kabahayan sa nasabing lugar.

‎Kasunod ng malawakang cleanup drive, nakatakda ring ipagpatuloy ng mga health worker ang regular na monitoring at edukasyon sa mga residente upang maiwasan ang pagdami ng lamok, lalo na ngayong tag-ulan.

‎Sa kabuuan, patuloy na nananawagan ang pamahalaang lungsod sa mga Dagupenyo na makiisa sa mga aktibidad ng barangay para mapanatiling ligtas at malinis ang kanilang kapaligiran