Nagpalipad ng mga fighter jet ang Japan nitong Biyernes upang subaybayan ang paglipad ng mga eroplano ng Russia, kabilang ang mga strategic bomber na may kakayahang magdala ng nuclear weapons, matapos mapansing lumipad ang mga ito malapit sa hangganan ng Japanese airspace sa baybayin ng bansa.

Ayon sa Ministry of Defense ng Japan, agad na nagpalipad ng mga Self-Defense Force (SDF) jets matapos matukoy ang presensya ng mga Russian warplane na dumaan sa kahabaan ng kanilang hilagang baybayin.

Nilinaw ng ministeryo na hindi pumasok sa teritoryo ng Japan ang mga naturang eroplano, subalit itinuring itong sensitibong insidente dahil sa kakayahan ng mga ito na magdala ng mga nuclear weapon.

--Ads--

Sa isang hiwalay na ulat, kinumpirma ng Russian Ministry of Defence na nagsagawa ito ng airspace patrol ng mga Tu-95 strategic bombers sa neutral na katubigan.

Ayon sa kanilang pahayag, ang mga eroplano ay sinamahan ng mga fighter jet mula sa isa pang bansa, bagama’t hindi tinukoy kung aling bansa ito.

Dagdag ng Moscow, bahagi umano ng regular na operasyon ng Russian Air Force ang naturang paglipad at hindi ito itinuturing na banta sa alinmang bansa.

Gayunman, iginiit ng Japan na patuloy nitong babantayan ang mga aktibidad ng militar ng Russia upang mapanatili ang seguridad at katatagan ng kanilang himpapawid.