Dagupan City – Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Alaminos City ang kanilang mga pagsisikap sa turismo sa pamamagitan ng digital marketing ngayong “Ber” Months.
Kasabay nito, ang pagimplementa ng Hundred Islands Management System upang mas mabantayan ang mga aktibidad ng turista sa lungsod.
Binanggit ni Mayor Arth Bryan Celeste ang pagbaba ng mga dating ng turista noong nakaraang buwan dahil sa mga pag-ulan tuwing weekend.
Gayunpaman, nakikipag-ugnayan ang City Tourism Office at City Information Office upang muling pasiglahin ang turismo ngayong Oktubre, Nobyembre, at Disyembre.
Dahil dito, mas pinapaigting nila ang Digital marketing para sa panghikayat ng mga turista kasabay parin ng tradisyunal na paraan upang maipromote ang mga atraksyon ng Lungsod.
Layunin ng lungsod na ipakita ang kagandahan nito sa pamamagitan ng mga online ads, virtual tours, at social media posts.
Bumubuo rin ng mga karagdagang atraksyon at aktibidad upang hikayatin ang turista na mas matagal na pananatili at mga paulit-ulit na pagbisita sa lungsod.
Bukod dito, inilunsad din ang Hundred Islands Management System, isang digital platform na naglalayong mapadali ang pagsubaybay sa mga turista, booking ng tours, at pangangalaga sa kalikasan.
Sa pamamagitan ng sistemang ito, mas magiging organisado ang pamamahala sa Hundred Islands National Park at masisiguro ang kaligtasan ng mga bisita.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na ang mga inisyatibong ito ay makabuluhang magpapalakas sa turismo sa Alaminos City, na umaakit ng mas maraming bisita sa Hundred Islands National Park at iba pang mga atraksyon.










