Dagupan City – Plano na ni Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III ang pagtatayo ng sampung (10) bagong ospital sa lalawigan ng Pangasinan upang tugunan ang kakulangan ng hospital beds at mapabuti ang serbisyong pangkalusugan para sa mahigit 3 milyong Pangasinense.

Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, ilang ulit nang binigyang-diin ni Governor Guico sa mga nakaraang pulong ang pangangailangang palawakin ang kapasidad ng mga pampublikong ospital, lalo na ngayong panahon ng flu season kung saan muling nakikita ang kakulangan ng mga pasilidad.

Aniya, sa kasalukuyan wala pa sa dalawang libo ang kabuuang bilang ng hospital beds sa buong lalawigan, kabilang na ang mga pribadong ospital kaya malinaw na kulang talaga.

--Ads--

Bilang tugon, iniutos ng gobernador ang pagpapalawak ng operasyon at pagtaas ng antas ng mga district hospitals, kabilang ang malapit ng matapos na Umingan District Hospital at ang on going construction ng Alcala Community Hospital sa bayan ng Alcala.

Ang pagtatayo ng karagdagang mga ospital ay bahagi ng plano upang maisaayos ang bed-to-population ratio sa lalawigan at matiyak na ang bawat Pangasinense ay may madaling access sa serbisyong medikal.

Dagdag pa ni Lambino, pangunahing layunin ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Guico ang kalusugan ng mamamayan, hindi lamang sa curative healthcare o paggamot, kundi pati sa preventive healthcare o pagpapanatili ng mabuting kalusugan.