Dagupan City – Mahigit dalawang daang pet owners ang nagtungo sa Barangay Bantayan, Mangaldan para sa libreng Veterinary Medical Mission na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ng Provincial Veterinary Office, katuwang ang Municipal Agriculture Office ng Mangaldan.
Umabot sa 203 residente ang nagdala ng kanilang mga alagang aso at pusa upang magpa-check up, magpabakuna, at sumailalim sa operasyon gaya ng castration at spaying.
Tinatayang 355 alagang hayop ang nabigyan ng serbisyo kabilang ang deworming at vitamin supplements.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang naturang aktibidad ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa rabies, kasabay ng paghikayat sa publiko na regular na pabakunahan ang kanilang mga alaga upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Mahigpit ding ipinatupad ang patakaran na tatlong alaga lamang bawat pet owner upang matiyak ang maayos na daloy ng operasyon at mabigyan ng sapat na atensyon ang bawat alagang hayop.
Nagpakita naman ng suporta ang ilang pribadong grupo gaya ng Willow Hypoallergenic Dog and Cat Food na namahagi ng libreng sample packs, at ang Rural Veterinary Clinic na nag-abot ng karagdagang vitamin supplements.










